Thursday, March 06, 2008

Crayon et Papier

Kung itatanong mo kung gaano kita kamahal, sasabihin ko sa’yo…

Tulad ng pagsasama ng lapis at papel, na mula sa kawalan ay nakabuo ng napakarami ng kabuluhan.

Ako ang lapis at ikaw ang papel!

Susulatan kita ng lahat ng aking pangarap, mga kuwentong masaya at nakakaiyak, guguhit din ako ng mga larawang makulay. Mula doon ay nagsimula ang ating daigdig… ang buhay na pagsasaluhan natin habang kaya ko pang sumulat at hanggang may espasyo pa ako sa mapag-aruga mong papel.

Ngayon, at kung sakaling magsawa ka na at ayaw mo na akong makasama, huwag kang mag-alala. Dahan-dahan itutupi kita upang maging isang eroplanong papel sabay paliliparin sa hangin, sa ilalim ng malawak na langit.

Mula sa itaas makikita mo marahil ang ibang mundo, mundong mula noong magkasama pa tayo. Kasama ng iyong pagiging malaya ang pagpili kung saan mo gustong lumipad. Nandito lang ako at masayang mananalangin na sana higit kaysa sa akin ang mapuntahan mo.

At kung malalaglag ka sa lupa at walang sinuman ang pumansin dahil hindi ka na ‘sing ganda at tayog noong nasa taas ka pang lumilipad, kung lahat ng inaasahan mong pupulot sa’yo ay dinadaan-daanan ka lang… kasabay sa paglubog at pagsikat ng araw, Doon… doon ako darating upang kunin ka at muling iaalok ang mundong binuo ko para sa’yo.

Iaayos ko pa at papantayin ang mga tupi na nalukot mong bahagi nung eroplano ka pa. Ibabalik kita bilang isang papel at ako pa rin ang lapis na walang sawang susulat sa’yo at magiging kasama mo habambuhay…

‘Pag naging totoo na ang mga bagay na hindi natin inaasahan, saka mo ako tanungin kung gaano kita kamahal ---




1 comment:

Bevie said...
This comment has been removed by a blog administrator.